May isang lakambini ang aking nakita, nakasuot ng magarbong damit, makinis ang kutis, may balingkitinitang katawan, mapupula ang mga labi. Ngunit sa kanyang kisapmata natuon ang aking pansin.
Isang kisapmata nabibighani ka ng ganda, isang kisapmata rin ang nang-aakit. May mga lengwaheng naka-ukit sa bawat pagtitig, pagluha at bawat kisapmata. Sa bawat kisap mata ay may pagguhit ng emosyon na sumasalamin sa kanyang kabuuan at nagpapahiwatig ng mensahe ng kanyang kaluluwa.
Sa mga kisapmata ay may mga tahimik na pag-uusap sa paggitan ng dalawang indibidwal. Walang tinig o impit ang maririnig ngunit sa pagitan ng mga kisapmata ay may nabubuong pag-uunawaan, pag-ibig o digmaan.
Ang isang kisapmata ang pagitan ng kadiliman at liwanag. Kisap ng Mata. Ang nag uugnay sa tao sa reyalidad at ilusyon. Ang mga bintana ng kaluluwa ang piping saksi sa mga pangyayaring sa mundo. Eto ang syang nag-uugnay sa isang indibidwal sa sansinukob upang maging hukom ng kagandahan at kasamaan.
May mga bahagi ng buhay ang kaybilis nawawala, nabubuo o nasisira. Gaya ng pag-ibig at digmaan. Sa isang kisapmata ay nag-iiba ang sitwasyon ng isang nilalang sa mundong ibabaw. Sa bawat kisapmata may buhay na nawawala o nabubuo. Bawat kisap ay may emosyon na kaugnay. Sa bawat kisapmata ay may kilabot na maaring bumalot sa buhay. Bawat kisap ay may takot na kasama. Sa bawat pagsilip ng kaluluwa ay may epekto sa damdamin.
Sa pagkisap ng mga mata ay katumbas ng oras na lumilipas. Bawat kisap ay may mga naitalang pangyayari na bumubuo sa hiwaga. Ang bawat kisapmata ay pahinga ng kaluluwa mula sa salimuot ng buhay upang matiis ng isip at kaluluwa ang bawat pangyayari sa buhay.
Text by: Joylove Delgado